Thursday, July 10, 2008

[Tula] Ang Halik ni Florentino Collantes

ANG HALIK
Ni Florentino Collantes

May nangagsasabing ang halik ng tao
Ay isang pagkaing lutong paraiso
Anang iba naman ay lutong impyerno
Ewan ko kung alin dito ang totoo,
Marahil sa langgam ang tao natuto
Sapagkat una na ang hayop na ito.

At tayong Pilipino sa Kastila lamang
Umano natuto ng paghahalikan
Sa Amerikano tayo nasanay
Ng gawang paghalik kahit sa lansangan.

Datapwat sa aking ganang pagkabatid
Tayo’y may sarili’t katutubong halik
May halik Pilipino may halik Ingles
May halik Kastila at may halik Intsik.

Ang halik ng Intsik ay pahigup-laway
Pisngi’y ginagawang mangkok ng linugaw
Parang humuhithit sa kwako ng apyan
Parang pumapangos ng tubong sinambay

Ang halik ng Ingles ay pasipsip-suso
Dikdikan ng labi’t ngudnguran ng nguso
Datapwa ang atin, ang halik Pilipino
Ay hinid pasipsip ni hindi pasupsop
Kung hindi pasiil, paamoy, pasinghot.

Ang halik ay bugtong na kataka-taka
Pabango ng puso at ng kaluluwa
Sa iisang tao ay walang halaga
Ngunit pulot gata kapag sa dalawa.

Ang halik ay mahal,banal at dakila
Ngunit nahihingi kung sa munting bata
Ito’y ninanakaw ng mga binata
Ngunit binibili ng mga matanda.

Ang halik sa sanggol isang kautangan
Sa mutyang kasuyo ito’y karapatan
Tanda ng pag-ibig, ng damdaming banal
Ngunit balatkayo ng pusong tulisan.

Ang halik sa sinta pag-asang sariwa
Sa mutyang asawa’y pagsintang dakila
Datapwat sa isang dalagang matanda
Ang halik ay isang pagkakawanggawa.

No comments: